top of page

Photo from Ted Aljibe / AFP

ATIN ANG PINAS, CHINA LAYAS

By:  Gabrielle Castro

​

Hindi lang sa tao ang may nagaganap na agawan, pati na rin sa ating Inang Bayan. Ang dilema ukol sa tunay na pagmamay-ari ng West Philippine Sea ay isang bagay na matagal ng pinagtatalunan. Ngunit, hindi nga dapat ito idinadaan sa matinding diskurso, sapagkat maraming ebidensya, teknikal at siyentipiko, na nagpapatunay na ang tunay na may-ari ng West Philippine Sea ay ang Pilipinas, hindi ang Tsina.

           

              Iba’t ibang organisasyon galing sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang dumalo sa rally na isinagawa sa harapan ng Chinese Consulate nang ika-09 ng Abril. Nananawagan ang mga tao na manindigan at ipagtanggol ang ating soberanya laban sa mga dayuhang pilit kuhain ang ating pagmamay-ari at wasakin ang ating kalayaan. Ito ang gustong iparinig ng sambayanang Pilipino sa harapan ng mga Tsino na pilit na sinasakop ang ating mga isla.

           

             “Tayong mga kasama handang makipagisa sa kanino mang bansa, pero dapat pantay na kasunduan, dapat hindi panlalamang, hindi pananakot, hindi pansasamantala kagaya ng ginagawa ng China,” sabi ng isang tagapagsalita sa rally. Totoo ang kanyang hinaing ukol sa isyu na ito, walang problema ang taumbayan kung patas ang makukuha ng bawat panig, pero kapag ang inabuso ng kabilang panig ang pagsamantala sa ating buhay, ito ay dapat hindi pairalin pa.

 

          “Hindi natin sinisisi ang mga mangagawang Tsino,” dagdag niya. “Sapagkat halos 5% ng kanilang manggagawa ay wala ring trabaho. Ang dapat nating sisihin dito ay ang immigration na nagbigay ng special permit sa mga manggagawang Tsino at alam ko na iyong special permit na iyon ay utos ni Rodrigo Duterte sapagkat iyon ang laman sa napagkasunduan doon sa Chico River Dam.” Ang Chico River Dam ay isang ipinihayag na electric power source na ilalagay sa isla ng Luzon na ilang dekadang prinotesta ng mga lokal na residente, lalung-lalo na ang mga Kalinga.

           

              Kabilang sa mga nagmartsa ay ang mga katutubong Dumagat na prinotesta ang ginagawang Kaliwa Dam sa probinsiya ng Quezon. Ang Kaliwa Dam ay inihahantulad sa Chico River Dam bagkus pareho nilang winawasak ang mga lupa ng mga nakatirang katutubo sa mga lugar kung saan ito itatayo.

           

       “Ngayon pa ba kami aatras?” matigas na sinabi ng isang katutubong Dumagat. Ayon sa kanya, apatnapung taon na nila pinaglalaban ang kanilang lupain, na kung saan tinatrato nila itong isang importanteng aspeto sa kanilang pamumuhay at kultura.

             

          “Kaya may dahilan kaming katutubo na magpaulit-ulit pumunta rito at hindi ito matatapos hanggat hindi ibinabasura ang mga proyekta na anti-mamamayan at anti-kalikasan,” sabi pa nila. Ang kanilang ipinaglalaban ay isang asal ng totoong makabayan, ang kagustuhang pabagsakin ang kapitalismo para sa kinabukasan ng kanilang mga anak.

“Hindi rin kami makakapayag na ipamana namin sa aming mga anak ay naglahong paraiso ng Sierra Madre.” giit niya.

           

         Sa pagdiriwang natin ng Araw ng Kagitingan, huwag sana nating kalimutan ang mga sundalong namatay para sa kinabukasan ng ating Inang Bayan. Huwag nating hayaan na mapunta sa wala ang kanilang pinaglaban. Tatapusin ko ang artikulong ito gamit ang isang pahayag na sinabi ng isang rallyista, “Itulak natin si Duterte na manindigan para sa ating bayan at kung hindi niya magawa mga kasama, tayo! Tayong mangagagwa at sambayanan ang maglalayas sa China!”

           

           Huwag nating hayaan na sakupin tayo ng mga dayuhang ito. Kailangan nating manindigan sa ating adhikaing ipaglaban ang ating kalayaan. Dahil kung parati nating pinababayaan ang mga ito, ito ay magpapatuloy lamang!

Kaya’t ang mensahe ko sa sambayanang Pilipino, tayo na ang tumigil sa abusong ito!

​

​

 

 

 

ORACLE™, MARCH 2019

​

© 2019 by Oracle. 

bottom of page